Bodega ng pekeng pataba ni-raid sa Nueva Ecija
MANILA, Philippines — Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ang isang pagawaan ng pekeng pataba sa Brgy. Sta. Monica, Rizal, Nueva Ecija.
Batay sa report na isinumite kay Police Regional Office (PRO)-3 Director PBrig. Gen. Jesse Mendez, nakumpiska ang nasa 500 sako ng iligal na pataba, 21 granulator machine, at ilang delivery truck na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P900,000.
Nabatid na nadiskubre ang bodega na pagawaan matapos maaresto ang umano’y ahente ng iligal na manufacturer.
Lumilitaw sa report na isang alyas “Dan” ang nagmamay-ari ng Don Fertilizer Manufacturing, na nabigong magpakita ng permit at lisensya. Kinumpirma ng FPA na hindi rehistrado ang naturang pasilidad.
Pinuri naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang operasyon laban sa mga pekeng agricultural input.
Nasa kustodiya na ng FPA ang mga nakumpiskang kagamitan, at inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban kay alyas “Dan” dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1144.
- Latest


















