MANILA, Philippines — Ginawaran ng parangal bilang “Outstanding Filipino Physician” si Quezon province Governor Doktora Helan Tan sa 33rd Jose P. Rizal Memorial Award-Philippine Medical Association.
Ang pagkilala ay ginanap sa SMX Convention Center, Clark Pampanga nitong Sabado kung saan nagsilbing board of judges si Dr. Kenneth G. Ronquillo bilang chairman; at sina Dr. Eleanor B. Almoro, at Dr. Israel Francis Pargas bilang mga miyembro.
Ang tumanggap ng 33rd Dr. Jose P. Rizal Memorial Award for Government Service category ay mga doktor na nagtataglay ng kakayahan na magserbisyo at magbigay ng commitment sa komunidad at bansa.
Katulad ng legasiya ni Dr. Jose Rizal na hindi lamang magaling na doktor kundi kilala rin sa magkakaibang larangan, nagpakita rin si Gov. Tan sa loob ng mahabang panahon ng natatanging serbisyo at dedikasyon, innovation at malasakit.
Ang kontribusyon din ng gobernadora ay ang pagbibigay ng malawak na serbisyo sa medisina para magkaroon ng access sa kalusugan ang lahat at bilang public servant, ginamit niya ang kanyang nalalaman sa kalusugan at kondisyon ng tao para magkaroon ng impact hindi lang sa iisang indibiduwal na pasyente kundi sa buong lipunan.
Naging instrumento rin si Gov. Tan sa mga pangunahing isyu pagdating sa kalusugan kung saan naging diskurso ito sa medical field hanggang national level at ang kanyang hangarin bilang isang public servant at doktor ay isang halimbawa ng isang “well-rounded, multi-faceted nature”.
Dahil sa pagsisikap ni Governor Tan, ang kanyang organisasyon ay tumayo para magkaroon ng progreso at innovation sa healthcare, nagsilbing pioneer at model ng Universal Health Care. Naging mahusay din siya sa collaboration at pag-mobilize ng resources para masiguro na prayoridad niya ang pag-aalaga sa mga pasyente at partikular din siyang nakatutok sa pagsisilbi sa mga nangangailangan.
Nagpakita rin aniya ang gobernadora ng isang positibong impluwensya pagdating sa local health systems sa pamamagitan ng paglalagay ng health facilities para mabigyan ang mga pasyente ng kalinga at tamang medisina.