COTABATO CITY, Philippines — Muling umiskor ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Regional Office 9 makaraang makasamsam ng may P108 milyong halaga ng shabu mula sa isang dealer sa ikinasang malakihang buy-bust operation sa Barangay Canelar, Zamboanga City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat nitong Sabado ng umaga ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, aabot sa 16 kilos ang shabu na naibenta ni Alnasher Jumdain Mudah, 42-anyos, sa kanilang mga operatiba na nagsagawa ng naturang entrapment operation sa isang lugar sa Barangay Canelar na nagresulta sa kanyang agarang pagkakaaresto.
Naisagawa ang naturang operasyon, kung saan nakunan ng P108 milyong halaga ng shabu si Mudah, sa tulong ng tanggapan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe at ng mga units ng Zamboanga City Police Office at Police Regional Office-9, ayon kay Gadaoni-Tosoc.
Nasa kustodiya na ng PDEA-9 ang suspect na si Mudah na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nauna rito, nakumpiska ng magkasanib na puwersa ng PDEA-9 at mga pulis ang abot sa 21 kilos na shabu, nagkakahalaga ng P145.5 million, mula sa mga dealers na sina Wilson Sahiban, 25-anyos, Junjimar Hajili Aiyob, 29-anyos, Jimmy Sahibol, 30-anyos at sa 27-anyos na si Abdurahman Abdulhakim, na na-entrap sa Barangay Mampang sa Zamboanga City nitong Mayo 3.