MANILA, Philippines — Patay ang isang babae matapos na barilin sa batok ng hindi pa nakikilalang lalaki sa gilid ng kalsada kamakalawa sa Cebu City.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Marilou Abayan, 47 anyos, habang tukoy na rin ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek na target ngayon sa follow-up operation.
Lumilitaw na nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi na nakunan pa ng CCTV ang paglalakad ng babae kung saan kinausap ang isang lalaki sa gilid ng kalsada at saka umalis. Hindi alam ng biktima na sinundan siya ng suspek at habang nakatalikod ay binaril siya sa batok.
Nang makitang bumagsak ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek.
Personal na galit naman ang nakikitang motibo sa pamamaslang.
Ayon kay Police Chief Master Sergeant Diosdado Parejas, OIC, Station 6, CCPO, nakausap pa niya ang biktima bago malagutan ng hininga at doon ibinigay ang pangalan ng suspek na hindi pa tinutukoy ng pulisya habang isinasagawa ang pagtugis.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek.