MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Police Regional Office-4A ang isang babae na tinaguriang “glue lady” dahil sa umano’y pagnanakaw ng pera sa mga senior citizen na nagwi-withdraw sa mga ATM machines.
Ayon kay PRO4A Regional Director Police Brig. General Paul Kenneth Lucas, nagawang maaresto ang gule lady sa isang operasyon sa Lipa, Batangas.
Tumanggi naman si Lucas na banggitin ang pangalan ng suspek kasunod ng kanilang ginagawang follow-up operation sa posibleng mga kasabwat nito sa kanyang modus operandi.
Nabatid na magkukunwari ang suspek na dadamayan at aalalayan ang senior citizen na nangangapa na makapag-withdraw dahil sa pagkalito sa ATM machine.
Hindi alam ng biktimang senior citizen na gagamitan ng suspek ng glue ang ATM at sa sandaling umalis ay suspek na ang magwi-withdraw.
Sa oras na hihingi ng tulong, doon na aalisin ng suspek ang pagkakadikit ng ATM card para magmukha itong sira.
Lumilitaw na nagawa nang makapambiktima ng suspek ng mga senior citizens sa Rizal, Batangas, at iba pang lugar sa labas ng CALABARZON.
Iniimbitahan naman ng CALABARZON Police ang iba pang posibleng biktima na magsampa ng reklamo laban sa suspek.