Wanted sa 10 kasong rape, nalambat sa Pagadian

Kusang-loob na nagpaaresto si Jimmy Sotto Balaba na wanted sa 10 kasong rape sa Malaybalay City, Bukidnon makaraang matunton ng mga pulis ang pinagtataguan nito sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
John Unson

COTABATO CITY , Philippines —Isang matagal nang wanted sa Region 10 dahil sa 10 bilang ng kasong rape at statutory rape sa Bukidnon ang naaresto sa Zamboanga del Sur nitong Lunes, ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-9 nitong Biyernes.

Sa pahayag ng tanggapan ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng PRO-9, natunton ng mga magkasanib na mga ope­ratiba ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office at Bukidnon Provincial Police Office ang akusado na kinilalang si Jimmy Sotto Balaba, 42-anyos, sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Tuburan, Pagadian City.

Malaki ang naitulong ng mga local officials sa Pagadian City, kabisera ng Zamboanga del Sur, sa paghahanap kay Balaba sa Barangay Tuburan, ayon kay Masauding.

Hindi na pumalag si Balaba, taga-Malaybalay City sa malayong probinsya ng Bukidnon, nang pakitaan ng mga awtoridad ng mga warrants of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 45 ng natu­rang lungsod kung saan wanted siya sa 10 kasong panggagahasa ng mga menor-de-edad na mga babae.

Nai-turn over na sa Malaybalay City si Balaba upang litisin sa kanyang kinakaharap na 10 rape cases sa isang korte sa naturang lungsod. 

Show comments