3 pulis tiklo sa extortion, sexual harassment sa ex-detainee
MANILA, Philippines — Tatlong pulis ang inaresto ng kanilang mga kabaro matapos ireklamo ng “extortion” at “sexual harassment” ng isang babae na dating detainee sa Palo, Leyte noong Huwebes.
Ang mga pulis na kinilalang sina S/Msgt. Alex Asis, S/Sgt. Raffy Retosar at Cpl. Jerwin Dacillo ay dinakip ng mga operatiba ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa mismong Palo Municipal Police Station dakong alas-5 ng hapon.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos, ang operasyon laban sa tatlong pulis ay bunsod sa reklamo ng pangingikil mula sa isang babae na kanilang inaresto sa kaso ring extortion noong Oktubre 29, 2021.
Sinabi ng complainant sa IMEG na madalas siyang kikilan ng pera ng nasabing mga pulis sa loob ng halos apat na buwan kahit nakalaya na siya matapos makapagpiyansa.
Inakusahan din ng dating preso ang mga pulis ng sexual harassment.
“I assure the public that we continue our aggressive campaign to rid our ranks of this kind of police destroying our organization,” pahayag ni Carlos sa isang statement.
Ang tatlong pulis ay inilagay sa “under arrest” matapos nilang tanggapin ang P6,000 marked money mula sa biktima. Nakumpiska rin sa tatlo ang dalawang .45 caliber handguns at apat na cellphones.
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ang tatlong pulis sa administrative case na posibleng kanilang ikasibak sa serbisyo.
- Latest