Lalaking nakaposas, itinumba
PIO DURAN, Albay, Philippines — Bulagta sa kalsada ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin habang nakaposas ang mga kamay sa kahabaan ng kalsada ng Purok-4,Sitio San Isidro,Brgy.Buenavista ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Dinala na sa punerarya at patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima na tinatayang nasa 30-taong gulang, may mga tattoo sa katawan habang iniimbestigahan ng pulis ang motibo at ang nasa likod nang pamamaslang.
Sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi ay magkakasunod na putok ang narinig ng mga residente sa naturang barangay at nang puntahan ang pinanggalingan ng putok ay nakita ang nakahandusay na biktima sa kalsada na nakaposas at may mga tama ng punglo sa ulo at likurang bahagi ng katawan.
Pinaniniwalaang dinala ng mga suspek ang biktima sa lugar at doon ito pinagbabaril.Nakuha sa lugar ang ilang basyo ng bala ng Kalibre 45 at Kalibre 9mm na baril.
- Latest