No.1 ‘most wanted’ sa Region 2, huli sa Cavite
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nadakip ng mga operatiba ng pulisya ang Number 1 most wanted person (MWP) sa buong Cagayan Valley (Region 2) matapos matunton sa kanyang pinapasukang trabaho sa Rosario, Cavite kamakalawa.
Sa report ng Police Regional Office 2 (PRO2), nakilala ang akusado na si Edwin Garduque Ramento, 36, tubong Lablabig, Claveria, Cagayan at pansamantalang nakatira sa Brgy. Silangan Uno, Rosario, Cavite.
Ayon kay P/Col. Andree Abella, hepe ng PRO2 Information Office, si Ramento ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Apayao, Claveria at Rosario, Cavite Police, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Seferino Andaya ng Regional Trial Court Branch 26, sa Apayao noong Nob. 15, 2012 sa kasong murder.
Si Ramento ang itinuturong pangunahing suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang Marciano Yadao sa Brgy. Barocboc, Sta. Marcela, Apayao noong Agosto 1, 2012. Natunton siya sa tulong ng ilang impormante ng pulisya matapos mamataan sa pinapasukang gasolinahan sa Rosario, Cavite.
- Latest