Outing tragedy sa Cavite: 2 nalunod
Sa gitna ng ipinatutupad na MECQ
CAVITE, Philippines — Sa kabila ng ipinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil sa COVID-19 pandemic, nakakalusot pa rin ang ilang mga pasaway na lumabas sa kanilang tahanan na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang katao matapos na mag-outing sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:00 ng hapon nang maganap ang pagkalunod ni Regie Oriada, 19- anyos, residente ng Brgy. Santol, Tanza, Cavite.
Nagkayayaan umano ang biktima at ilang kaibigan na mag-outing sa ilog na ‘di kalayuan sa kanilang lugar. Nag-dive umano ang biktima subalit hindi na lumutang.
Umabot ng mahigit sa 3-oras bago narekober ang katawan ng biktima sa kailaliman ng nasabing ilog at idineklarang dead-on-arrival na sa pagamutan.
Samantala, alas-2 naman ng hapon nang malunod ang biktimang si Daniel Cristobal, 35-anyos habang naliligo rin kasama ang mga kaibigan nang magkayayaan na mag-outing sa Brgy. Bucal-2, Maragondon.
Ayon sa mga kaibigan, sama-sama silang naliligo nang bigla umanong lumubog ang biktima. Inakala lamang nilang na sumisid ang biktima subalit ilang minuto na ay hindi pa rin lumutang. Tulung-tulong nilang sinisid ang biktima hanggang sa marekober ang katawan nito makalipas ang may mahigit sa isang oras at hindi na rin umabot nang buhay sa pagamutan.
- Latest