COVID-19 mega facility sa subic freeport binuksan
SUBIC BAY FREEPORT , Philippines — Binuksan kamakalawa ang 12-ektaryang Mega Facility sa Cubi Point, Subic Bay Freeport Zone para sa mga pasyente na tinatamaan ng COVID-19 na hindi na tinatanggap sa mga ospital sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Sa ginanap na inauguration rites na pinangunahan ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon, tinawag niya itong “We Heal As One Center” bilang bagong treatment at monitoring facility na mayroong 500-bed capacity para sa mga pasyenteng may severe symptom ng virus.
Sinabi naman ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Wilma T. Eisma na mayroong 34 hospital bed mula sa kanilang DOH certified isolation facility sa Subic Gym ang kanilang ililipat sa bagong bukas na mega facility bilang kontribusyon ng kanilang ahensya.
Idinagdag pa ni Eisma na mayroon din mga hospital bed na nakalaan sa bagong bukas na pasilidad para sa mga Subic Freeport stakeholders,residente, business locators at mga empleyado ng SBMA na tatamaan ng COVID-19.
Siniguro naman ni Eisma sa publiko na ang bagong bukas na pasilidad na nasa Cubi Point na dating ospital ay nasa remote area upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at mahigpit din umano nilang ipinatutupad ang health protocol sa freeport.
- Latest