COVID-19 nakapasok na sa Kapitolyo ng Cagayan
13 kawani nagpositibo
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Pinasok na rin ng virus ang Kapitolyo ng Cagayan matapos magpositibo sa COVID-19 ang 13 nitong kawani kahapon.
Ang muli na namang pagtaas ng kaso ng hawaan sa Cagayan ay lubhang ikinabahala ni Governor Manuel Mamba dahil may kabuuang 43 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa lalawigan nito lamang nagdaang Sabado at Linggo at karamihan dito ay mula sa lungsod na ito na kababalik lamang sa Modified Enhanced Community noong Valentines day.
Siyam sa mga nagpositibong kawani ay mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na karamihan ay may sintomas ng sipon, lagnat at pagkahilo at nagkaroon ng exposure sa isa nilang kasamahan na unang tinamaan ng virus.
Tatlong kawani ang tinamaan ng COVID-19 sa Provincial Veterinary Office.
Hinikayat ni Mamba ang mga Cagayano na iwasan munang lumabas at makipag-ugnayan sa ibang tao lalo na sa lungsod na ito na nagkalat na ang mga asymptomatic o mga taong nagtataglay na ng virus subalit wala namang nararanasang sintomas.
- Latest