Magkaibigan naligo sa ilog, tinangay ng agos
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Pinaniniwalaang nalunod ang dalawang totoy matapos na sila ay tangayin ng malakas na agos habang nagtatampisaw sa Ganano River sa Barangay Divisoria, kamakalawa.
Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang katawan ng mga biktimang sina Earl John Ulep,15 at Daryl Apostol, 9 na kapwa residente sa naturang lugar.
Ayon sa report, alas-4:00 ng hapon ay nagtungo sa ilog ang mga biktima kasama ang isa pang kaibigang si Marlon Cariaso,13 upang linisin ang kanilang mga bisikleta sa ilog.
Subalit matapos na malinisan ang kanilang mga bisekleta ay nagkayayaang maligo ang tatlo at unang lumusong sa tubig si Apostol na agad tinangay ng malakas na agos.
Sinikap sagipin ni Ulep ang kaibigan, subalit maging siya ay tinangay ng agos hanggang kapwa sila nawala sa paningin ni Cariaso na nagulantang sa pangyayari.
Agad humingi ng tulong si Cariaso at nagsagawa ng search and retrieval operations ang otoridad upang mahanap ang dalawana pinaniniwalaang nalunod.
- Latest