12 preso sa Ilocos Norte jail, positibo sa COVID-19
Sa unang araw ng MECQ
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Bumulaga sa unang araw ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Laoag City matapos magpositibo ang isang dosenang detainees sa Ilocos Norte Provincial Jail na nahawa sa kanilang mga guwardya kahapon.
Kasabay ng nakapanlulumong balita ay ang opisyal na paglabas ng deklarasyon ng MECQ ni Governor Mathew Manotoc sa lungsod sa pamamagitan ng Executive Order 104 na naglilimita sa paggalaw ng tao upang mapadali ang pagsasagawa ng contact tracing.
Ayon sa gobernador, bukod sa 12 detainees, isang bababeng sekyu at 68-anyos na tindera ng isda ang humabol sa talaan ng Laoag City Health Office na nagpalobo sa bilang na 51 aktibong kaso ng COVID-19.
Nabatid na nakuha ng mga preso ang virus mula sa anim na kawani ng Provincial Jail na unang nagpositibo sa COVID-19.
Ang mga nagpositibong detainees na pawang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ay inilipat sa isolation Unit ng naturang piitan.
Dahil dito, nangangamba ang awtoridad na marami pa ang maidadagdag sa talaan kasunod ng pag-arangkada ng mass testing na isasagawa ng Department of Health sa Laoag City sa kasagsagan ng MECQ.
Nakasaad rin sa guidelines ng ipinalabas na MECQ ang pagtakda ng curfew sa lungsod mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw gayundin ang mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng alak.
- Latest