Trike hulog sa creek: Misis dedo, 4 sugatan
RIZAL, Philippines — Patay ang isang misis habang apat pa niyang kapamilya ang sugatan nang mawalan ng preno at mahulog ang sinasakyan nilang tricycle sa isang creek sa Antipolo City kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Bernadette Candelaria, 28, may asawa ngunit binawian din ng buhay sa pagamutan habang sugatan at ginagamot na ang mag-amang sina Anthony Candelaria Sr., 38, at Anthony Candelaria Jr., 1-anyos; pawang residente ng Sunta Ville, Brgy. San Isidro, gayundin sina Ana Candelaria, 31; at Yousef Alotaibi, 43, kapwa naman nakatira sa Brgy. Cupang, Antipolo City.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, dakong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Upheco Road sa Barangay San Luis.
Sakay ng isang pulang Kawasaki tricycle na may plakang QW 3982 ang mga magkakaanak na minamaneho ng isa sa mga nasugatan habang binabagtas ang Upheco Road nang bigla na lang mawalan ng preno ang sasakyan at tuluyang nahulog sa creek.
- Latest