2 tulak bulagta sa shootout Bulacan

Bulacan, Philippines - Napaslang ang dalawang notoryus na tulak ng shabu habang dalawa pa nitong mga kasamahan ang naaresto sa isinagawang drug bust operation ng mga awtoridad na nauwi sa shootout sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan noong Huwebes Santo ng madaling araw. Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Roderick “Derek” Paras, nakatala bilang No.1 target na kriminal sa lalawigan at kanang kamay nitong natukoy lamang sa alyas na Bonbon. Arestado naman ang dalawa pang suspek na sina Angelito Paras, 41, security guard at kapatid ng  isa sa nasawi na si Jovy Austria, 34; mga residente sa lugar. Sa report ni Supt. Charlie Cabradilla, dakong alas-3 ng madaling araw nang kumasa sa mga awtoridad ang dalawa sa mga suspek na ikinasawi ng mga ito sa nangyaring palitan ng putok. Nasukol naman ang dalawang suspek habang papatakas. Nasamsam sa operasyon ang cal. 38 revolver, mga bala nito at ilang plastic sachet ng shabu. (Boy Cruz)

Show comments