Chairman, driver inutas sa videoke bar

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Napaslang ang barangay chairman at driver nito matapos ratratin ng isa sa customer sa loob ng videoke bar sa Gomez Street, Brgy. Divisoria, sa bayan ng Cawayan, Masbate kamakalawa ng gabi. 

Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Chairman Roman Tonacao ng Barangay Mahayahay; at Edison Tarucan, 36, kapwa may asawa at nakatira sa Brgy. Begia sa nasabing bayan.

 Samantala, tinutugis naman ng pulisya ang pangunahing suspek na si Dario Pepito ng Cebu City.

Sa police report na nakarating kay  P/Senior Supt. Eriberto Olitoquit, Masbate PNP director, ang mga biktima ay magkasamang umiinom ng alak sa loob ng videoke bar nang lapitan at ratratin ng suspek na sinasabing lango sa alak.

Nabatid sa ulat ng pulisya na isang GRO sa videoke bar ang pinag-awayan ng suspek at ng opisyal ng barangay kung saan pinaupo ng biktima ang babae para makipagkuwentuhan.

Show comments