Seaman patay sa away trapiko

CAVITE, Philippines  – Patay na nang idating sa pagamutan ang isang seaman makaraang barilin ng isang rider na na­kagitgitan nito sa daan sa Blumentrit St., sa Brgy Tubuan, 3, Silang, Cavite.

Ayon sa ulat, nakilala ang nasawing biktima na si Joselito Legaspi, 43, residente ng B6, L27 Gabriela Hills, Brgy. Tubuan 1 sa nasabing bayan.

Mabilis namang tumakas ang suspek lulan ng kanyang motorsiklo MIO na walang plaka na kinilalang si Emer Delos Reyes, alyas Immer, 40, ng Blumentrit St., sa nabanggit na lugar.

Base sa ginawang imbestigasyon ni SP01 Edgar Belza, ganap na alas-8:00 ng umaga nang maganap ang insidente habang binabaybay ng biktima ang nasabing kalsada sakay ng kanyang tricycle RUSI (DY 4275) patungong hilagang direksyon nang makagitgitan nito ang suspek na sakay naman ng kanyang motorsiklo.

Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang da­lawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at kaagad na binaril sa ulo ang biktima.

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation laban sa suspect.

Show comments