Abugado, pulis bulagta sa tandem

BULACAN, Philippines – Magkasamang sinulabong ni kamatayan ang abugado at pulis na lulan ng kotse matapos ratratin ng riding-in-tandem sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Tikay sa Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga.

Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Atty. Lysandro Sanchez, miyembro ng Mason Brotherhood, ng Cavite Street, Gagalangin, Tondo at PO2 Ronnel Coquia Jr. ng Pilapil Street, Tondo, Manila at sinasabing may kasong highway robbery na naka­binbin sa nasabing korte.

Sa police report na nakarating kay P/Supt. David Poklay, bago maganap ang pananambang ay dumalo sa court hearing sa Malolos City Regional Trial Court Branch 78 ang dalawa.

Nabatid na magkasamang sumakay ang dalawa sa Nissan Sentra (PPE-401) kung saan pagsapit sa intersection na may signal light ay pansamantalang huminto.

Dito na sinamantala ng tandem na lapitan at pagbabarilin hanggang sa mapatay ang dalawang nasa loob ng kotse.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng cal.40 pistol habang narekober naman sa loob ng sasakyan ng dalawa ang cal. 9mm revolver na pinaniniwalaang service firearm ng abugado at, mga dokumento na may kinalaman sa iba’t ibang kasong hawak nito.

Show comments