80-anyos ama inutas ng anak

KIDAPAWAN CITY, Philippines - Napatay ang 80-anyos, na-ama ng kanyang anak na magsasaka matapos pagsasaksakin dahil sa matinding pagtatalo sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Sarayan sa bayan ng Matalam, North Cotabato noong Linggo.

Humihimas na ng malamig na rehas na bakal ang suspek sa pagpatay na si Ruben Juala ng nasabing barangay.

Nanguna sa pag-aresto sa suspek si P/Chief Inspector Elias Colonia, hepe ng Matalam PNP.

Si Juala ang itinuturong suspek sa pagpatay noong Linggo sa sariling ama na si Juanito Juala kung saan nagtalo ang mag-ama tungkol sa alagang kalabaw ng matanda.

Nabatid na tutol ang biktima na ibenta ng anak ang kalabaw at hindi nagkasundo kaya walang sabi-sabing sinaksak ang ama ng tatlong beses kung saan napuruhan sa dibdib.

Sising alipin naman ang suspek sa ginawang krimen laban sa sariling ama.

Show comments