97 sundalo ng Phil. Army na-dengue

MANILA, Philippines -  Nakaligtas nga sa mga bala ng kalabang rebelde at Abu Sayyaf ang 97 opis­yal at tauhan ng Philippine Army ay nadale naman ng sakit na dengue ang mga ito, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ni Col. Mariano Mejia, commanding officer ng Army General Hospital, umaabot sa 97 sundalo ang dinapuan ng dengue simula Enero hanggang kasalukuyang buwan ng Oktubre 2011.

Kaugnay nito, ayon sa tagapagsalita ng Army na si Major Harold Cabunoc, may 400 sundalo ang nagbigay ng dugo sa Philippine Army headquarters kahapon para makatulong sa mga biktima ng dengue matapos mapaulat ang kakapusan ng supply ng dugo sa mga pasyente kaugnay ng dengue outbreak sa bansa.

 “Hospitals and blood banks are constantly on their toes for blood donors to extend the lives of their patients. This bloodletting activity is a noble and priceless cause to address in our own way the needs of our sick Filipino brothers,” ayon naman kay Brig. Gen. Augusto Tolentino, Army camp commander.

Base sa tala, tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa kung saan umaabot na sa 70,204 kaso simula lamang noong Set­yembre 2011.

Sa National Capital Region ay nasa 15,420 na ang kaso ng dengue, 13,347 sa Central Luzon at 10,215 naman sa Calabarzon.

Umaabot naman sa 369 katao ang nasawi sa dengue na 25.87 % na higit na mababa kumpara noong 2010 nakapagtala lamang ng 24,020 kaso.

Show comments