Pulis dedo sa carjackers

KIDAPAWAN CITY, Philippines  – Patay ang intelligence operative ng Kabacan PNP matapos barilin ng hindi kilalang mga suspect habang binabaybay nito ang highway sa Brgy. Katidtuan, Kabacan, North Cotabato, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si PO3 Ruben Isiderio, miyembro ng intelligence unit ng Kabacan PNP.

Ayon sa report, minamaneho ni Isiderio ang kanyang Honda XRM na motorsiklo, sakay ang dalawang mga pasahero, nang parahin ng isang grupo ng mga armadong lalaki na nagsagawa ng highway inspection.

Inakala ni Isiderio na mga sundalo at pulis ang nagtse-checkpoint at lingid sa kanyang kaalaman ay  grupo na ito ng mga karnaper. Nang makitang may bitbit na long firearm ang pulis, agad itong binaril ng mga suspect.

Nagawa pang makaganti ng mga putok si Isiderio. Matapos mapatay ang pulis, tinangay ng mga suspect ang dala nitong motorsiklo. Sa kalapit bayan sa Carmen, lalawigan pa rin ng North Cotabato, isa pang motorsiklo ang natangay, kahapon ng umaga.

Agaw motorsiklo rin ang nangyari sa naturang lugar. 

Show comments