MANILA, Philippines - Anim katao ang nasugatan kabilang ang driver matapos tangayin ng hangin hanggang sa mahulog sa bangin ang isang bus sa kasagsagan ng bagyong Pedring sa bayan ng Pamplona, Cagayan kahapon ng umaga.
Kinilala ni Cagayan Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Mao Aplasca ang mga biktima na sina Teddy Tambao, driver; mga pasahero nitong sina Leticia Fronda, 56; Mel Aduana, 41; Jayson Pitero, 30; Jeneline Pitero, 32 at Franslejay Pitero, 2 anyos.
Bandang alas-7 ng umaga ng maganap ang insidente habang bumabagtas sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Bagu, Pamplona, Cagayan ang Florida Bus Transport Inc (BVM 339) na minamaneho ni Tambao, 39, ng mangyari ang sakuna.
Sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Pedring ay tinangay ng hangin nito ang bus kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Nagpagewang-gewang ang takbo nito sa matarik na highway ng bus hanggang sa mahulog sa ibabang bahagi ng bangin na malubhang ikinasugat ng mga pasahero nito.
Agad namang sumaklolo ang rescue team at isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang biktima.