Ex-US Army colonel tiklo sa mga armas, bala

MANILA, Philippines - Lipa City - Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang retiradong US Army colonel kasunod ng pagkakasamsam sa sari-saring uri ng mga baril at bala sa isinagawang raid sa bahay nito sa lungsod na ito kahapon ng umaga.

Kinilala ni Sr. Supt. Rosauro Acio, Director ng Batangas Provincial Police Office (PPO) ang suspek na si retired US Army Lt. Col. Zosimo Mea, residente ng Brgy.11 Poblacion sa nabanggit na siyudad.

Sa bisa ng isang search warrant, dakong alas-6:30 ng umaga nang salakayin ng Lipa City Police ang bahay ng suspek at makum­piska mula dito ang anim na carbine rifle, apat na .45 caliber pistol, dalawang Thompson machine gun at isang .40 caliber pistol, isang M14 airsoft at ibat-ibang klase ng mga bala

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagtatago ng mga armas at bala ng naturang ret. US Army colonel.

Bineberipika pa ng mga pulis kung may mga kaukulang papeles ang mga nakuhang baril mula kay Mea.

Sa Camp Crame, agad namang pinapurihan ni PNP Chief Director Ge­neral Nicanor Bartolome ang matagumpay na operasyon ng Lipa City Police sa pagkakasakote kay Mea at pagkakasamsam ng mga armas saka mga bala.

“I would like to congratulate you and your team for the bravery and exemplary conduct you have shown during the conduct of search and seizure operations,” ang sabi ng PNP Chief.

Show comments