Pamilya, 4 pinagtataga sa higaan

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City ,Philippines  – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang pamilya matapos na pagtatagain ng mga ‘di-kilalang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Tipon-Tipon, Barangay Pandan sa bayan ng Castilla, Sorsogon kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga biktima na halos nagkaputul-putol ang mga katawan sa tinamong mga taga ay ang mag-inang sina Corazon Maravilla, 60; Gelandine Maravilla Ortiz , 32; mga anak ni Gelandine na sina Annika Ortiz, 5 at bunso nitong kapatid na si Joseph Ortiz, 3.

Sa ulat ni P/Supt. Wilson Azueta, nadiskubre ang krimen bandang alas-9 ng umaga kung saan isa hanggang tatlong kalalakihan ang nasa likod ng brutal na krimen na naganap sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng gabi kamakalawa base sa kondisyon ng dugo ng mga biktima na nakita sa crime scene.

Base sa teorya ng mga awtoridad, magkakasamang natutulog ang mga biktima nang pasukin at paslangin.

Isa sa mga posibleng suspek sa krimen ang tinutugis na ng mga awtoridad.

Samantalang lumulu­tang rin ang anggulo ng matinding galit ang isa sa motibo habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments