3 umambus sa PNP official bulagta sa shootout

BATANGAS, Philippines – Napaslang ang tatlong miyembro ng drug syndicate na pinaniniwalaang sangkot din sa pagpatay kay P/Supt. Rodney Ramirez matapos makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bayan ng Lemery, Batangas kahapon ng madaling-araw.

Dalawa sa tatlong na­patay ay kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas police director na sina Jose Atienza at Marcelina Marquez.

Lumilitaw na nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga pulis sa Diok­no Highway sa Barangay Mahayahay nang parahin ang tatlong nakamotorsiklo bandang alas-4:15 ng madaling-araw.

Sa halip na huminto ang motorsiklo, pinaharurot patungo sa direksyon ng Barangay Dahilig hanggang magkahabulan at sumiklab ang ilang minutong bakbakan na ikinamatay ng tatlo.

Nabatid na ang tatlo ay miyembro ng Bankers drug syndicate na may operasyon sa 1st at 2nd district ng Batangas kung saan nakabangga ni P/Supt. Ramirez noong nasa intelligence office pa ito ng PNP-Batangas.

Narekober ng pulisya ang dalawang cal. 45 pistola at isang cal. 38 revolver.

Sa tala ng pulisya, si P/Supt. Ramirez ay napatay matapos ambusin ng mga armadong lalaki habang ito ay nagbibisekleta sa Lemery, Batangas noong Huwebes ng Hulyo 21.

Show comments