Negosyante pumalag sa holdaper, todas

SAN NARCISO,QUEZON ,Philippines  — Maagang kinalawit ng kamatayan ang isang binatang negosyante matapos na pagbabarilin nang pumalag sa tatlong holdaper sa Brgy. Guinhalinan sa bayang ito, kamakalawa ng umaga. Nagtamo ng tama ng bala ng kalibre 45 sa kanang bahagi ng katawan ang biktimang si Andrew Lat, 22, nagba-buy and sell ng alimango at residente ng Brgy. Lakdayan. Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan sa tatlong mga suspek. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng umaga ay nakasakay sa kanyang tricycle ang biktima nang harangin ng isa sa suspek at tinutukan ng cal. 45 habang nagsilbi namang look-out ang dalawa pa nitong kasama na armado rin ng mga baril. Pinadapa umano ng mga suspek ang biktima at kinuha ang cell phone nito at perang nagkakahalaga ng P10,000. Hindi pa nasiyahan, pinagbabaril ng mga suspek ang biktima saka tumakas patungo sa bulubunduking bahagi ng kalapit na bayan ng Buenavista.

Show comments