4 jailguard kinidnap ng NPA

MANILA, Philippines - Apat na jailguard ang iniulat na kinidnap ng mga rebeldeng New People’s Army matapos harangin ang convoy ng Bureau of Jail Management and Penology at itakas ang kanilang nakakulong na lider sa bayan ng Kitaotao, Bukidnon kahapon ng madaling-araw.

Kabilang sa mga jailguard na tinangay ng mga rebelde ay sina Cagayan de Oro BJMP officer Inspector Murphy Todyog, Inspector Erico Llamazares, JO2 Rogelio Begontes at si JO1 Rolando Bajuyo.

Lumilitaw na ibinibiyahe ng mga jail officer  ang walong preso mula sa Ozamis City at ililipat ng kulungan sa Davao Penal Colony nang harangin ng mga rebelde.

Nabatid na isa sa mga preso ay ang lider ng NPA na si Dennis Rodenas alyas Ka Dennis kung saan pinuntiryang iligtas ng mga rebelde kaya hinarang ang convoy ng BJMP.

Napag-alamang nagtayo ng checkpoint ang mga rebeldeng nakasout pa ng fatigue uniform sa bisinidad ng highway ng Sitio Rawari, Kitaotao, Bukidnon na inakala ng mga jailguard na mga sundalo.

Nang tutukan ang mga jailguard ng baril ay puwer­sahang kinuha at iniligtas ang kanilang lider na si Rodenas kaya napagtanto ng BJMP na hindi mga sundalo ang humarang sa kanila.

Hindi pa nakuntento ay tinangay ng mga rebelde ang apat na jailguard  at ang apat na M16 rifles, 6mm pistol, cal 38 revolver, 6 cell phone na pag-aari ng mga BJMP personnel.

Show comments