P1.5M kargamento hinaydyak

BULACAN , Philippines – Tinatayang aabot sa P1.5 milyong halaga ng bigas na lulan ng truck ang hinaydyak ng mga armadong kalalakihan sa Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Base sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. nakaparada ang 18-wheeler trailer truck (RKL-229) ni Gilbert De Leon sa labas ng bodega ng Maunlad Rice Mill nang lapitan at tutukan ng baril ng mga armadong lalaki.

Hindi naman pumalag sina De Leon at ang pahinanteng si Junry Lopecillo kung saan tinangay ang kanilang kargamento.

Inabandona ang da­lawa sa bahagi ng Barangay Patubig sa bayan ng Marilao kaya naipaabot sa himpilan ng pulisya ang naganap na krimen.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Alfonso Cruz, isinailalim na sa tactical interrogation sina De Leon at Lopecillo dahil magkakaiba at hindi nag-uugma sa isa’t isa ang salaysay at posibleng may kinalaman sa naganap na nakawan.

Show comments