Magsasaka dedo sa suwag ng kalabaw

MANILA, Philippines - Nagsilbing araro ni kamatayan ang matatalim na sungay ng kalabaw matapos nitong  suwagin  ng ilang ulit ang kaniyang among magsasaka sa Barangay Alegria sa bayan ng San Francisco, Agusan del Sur kamakalawa.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Ruben Sanchez, 53-taong gulang, agad binawian ng buhay sa insidente sa tinamong mga suwag ng kalabaw.

Sa ulat ng tagapagsa­lita ng Caraga PNP na si P/Supt. Martin Gamba, bandang alas-3:30 ng hapon habang pinapastol ni Sanchez kasama ang kaniyang anak na lalaki ang alagang kalabaw nang biglang magwala ang hayop na dumamba at inararo ng suwag ang magsasaka.

Hindi tinantanan ng kalabaw ang magsasaka na natusok ng sungay sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagawa namang makaligtas ng anak nito na nagtatakbo para humingi ng tulong sa kanilang kanayon.

Pinaniniwalaan namang sobrang pagod sa bukid ang sanhi ng pagwawala ng kalabaw.

Show comments