Maguindanao prosecutor inambus

MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang provincial prosecutor ng Maguindanao habang sugatan din ang driver-escort nito makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng Don TV Juliano Avenue sa Mother Rosary Heights, Cotabato City kamakalawa. Nagtamo ng mga tama ng bala sa ibabang bahagi ng teynga at kanang leeg si Maguindanao Provincial Prosecutor Akilali Balt habang ang driver na si Dandan Dakula ay tinamaan din. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na lulan ng itim na Isuzu Fuego pickup (LEH-282) si Balt nang maipit sa trapiko sa kahabaan ng highway. Dito na sinamantala ng motorcycle-riding gunmen na dikitan at ratratin ang sasakyan ng mga biktima. Sa kabila ng nasugatan ay nagawang makaganti ng putok ng driver-escort ni Balt subalit kaagad na umeskerda ang gunmen sa takot na maabutan ng mga pulis. Pinaniniwalaang may kinalaman sa sensitibong trabaho sa korte ni Balt ang pananambang.

Show comments