Barko nasunog sa pantalan

MANILA, Philippines - Umaabot sa P1.5 M ang pinsala makaraang aksidenteng lamunin ng apoy ang isang barko habang nakadaong sa Pier 3 ng Cebu City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, dakong alas- 4:18 ng hapon ng mangyari ang insidente sa nasabing pantalan.

Kasalukuyang nakadaong ang barkong M/V Kinswell II sa pier na may isang linggo na dahilan isinasailalim sa pagkukumpuni ang ibabang bahagi nito.

Gayunman habang abala ang mga mekaniko sa pagkukumpuni sa barko ay aksidenteng tumapon ang acetylene sa upuan sa bahagi ng canteen na siyang naging sanhi ng pagsiklab ng apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng barko at naapula lamang ang sunog dakong alas-4:32 ng hapon matapos na magresponde ang mga bumbero.

Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa nangyaring sunog bagaman lumikha ito ng malaking pinsala.

Show comments