ILAGAN, Isabela, Philippines – Kakaibang malusog na lalaking sanggol ang pinag-uusapan ng mga residente matapos isilang sa pambihirang pagkakataon sa bayan ng San Agustin, Isabela kamakalawa.
Ayon kay Virginia Caraballe, midwife ng San Agustin Rural Health office, si Juanita Occillos ng Barangay Nemmatan ang nagsilang ng sanggol sa eksaktong Oktubre 10, 2010 dakong alas-10 ng umaga (10-10-10-10 AM).
Dahil sa pambihirang buwan, petsa, taon at oras na nataon sa numerong 10 ay agad na pinangalanan ang batang sanggol ng Ten Ten na may alyas na Kwadro Diyes.
Si Ten Ten ay ikalimang anak sa magkakatugmang numero ng 10, kung saan animo’y kuryenteng gumapang sa buong lalawigan ng Isabela ang balita.
Paniwala naman ng mga residente na ang kakaiba at pambihirang kapanganakan ni Ten Ten ay may malaking pahiwatig sa kanilang bayan na sinasabing magdadala ng suwerte lalo na sa mga magsasaka.
Bilang katunayan, sa mismong araw ng kapanganakan ni TenTen ay agad na naipagkaloob sa opisyal ng lokal na pamahalaan ang P5 milyong pondo para pambili ng mga kalabaw na ipamamahagi sa mga magsasaka na karamihan ay nabubuhay lamang sa pagsasaka.
Dahil dito, inihayag naman ni San Agustin Mayor Berling Padilla na makakatanggap ng scholarship si Ten Ten sa kanyang pag-aaral mula elementarya hanggang hayskul.