MANILA, Philippines - Aabot sa labing-isa katao kabilang ang tatlong sundalo ng Philippine Marines ang iniulat na nasawi matapos makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang mga bandidong Abu Sayyaf na umaaktong private armed group ng mga pulitiko na nagsagawa ng pambobomba at pamamaril sa inilunsad na madugong pag-atake sa Isabela City, Basilan kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Antonio “Tony” Mendoza, na naghihinala sila na mga bandidong Abu Sayyaf ang nasa likod ng insidente bagaman patuloy pa itong iniimbestigahan.
“We are investigating all angles on this case but definitely they are the prime suspects (Abu Sayyaf Group), we are also investigating if it has something to do with the election related incident in the area,” ani Mendoza sa phone interview.
Inihayag naman ni Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, na mga bandidong Abu Sayyaf ang nasa likod ng pag-atake dahil isa sa tatlong nasawing bandido ay si Benzar Indama, kapatid ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama na sangkot sa kidnapping.
Ayon sa opisyal, isang Marines, dalawang Abu Sayyaf, limang sibilyan at isang pulis ang nasugatan sa insidente.
Bandang alas -10:30 ng umaga nang pasabugan ang Hyundai Starex van malapit sa Basilan National High School na ikinasawi ng dalawang sibilyan at isang nakasuot ng uniporme ng pulis at militar na kasalukuyan pang beneberipika.
Nasundan ito ng isa pang pagsabog sa Basilan Cathedral bandang alas-11 ng umaga kung saan may mga sniper pa ang mga suspek na namataang nasa itaas ng mga punong kahoy. Ilang minuto pa ay isa pang bomba ang nai-detonate matapos na marekober naman sa bahay ni Judge Leo Principe sa nasabi ring lungsod.
Samantala, niratrat at napatay ang tatlo-katao kabilang si PO1 Elmer Cabalme, na lulan ng motorsiklo.
Ayon naman kay Navy Spokesman Marine Lt. Col. Edgard Arevalo, nagresponde ang tropa ng Philippine Marines sa Isabela City matapos na makatanggap ng ulat hinggil sa pagsabog.
Gayon pa man, tinambangan ng mga bandido na nauwi sa engkuwentro kung saan tatlong sundalo ang napaslang.
Nabatid na ginamit ng mga bandido ang ilang sibilyan bilang human shield laban sa tumutugis na tropa ng pamahalaan.