Puting buhangin dinala sa pribadong beach resort...: 2 isla sa karagatan ng Zambales naglaho

IBA, Zambales , Philippines — Bu­muo ngayon si Zamba­les Governor Amor Deloso ng fact-finding committee para pangunahan ang ma­susing imbestigasyon sa napaulat na pagkawala ng dalawang isla sa kara­gatang sakop ng Zam­bales.

Ilang residente ang na­bahala dahil sa pagkawala ng Balas Igid at Balas Ta-aw Island na sinasabing dalawang maliliit na isla sa South China Sea malapit sa baybay ng Candelaria, Zambales.

Ang dalawang isla ay nag­sisilbing kanlungan at pahingahan ng mga ma­ngingisda kung saan na­giging panangga ng ka­ni­lang komunidad mula sa ma­lalaking alon o storm surge kung panahon ng bagyo.

Ayon sa mapagka­ka­tiwalaang source na isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan at may-ari beach resort sa bayan ng Candelaria ang nag-utos para hakutin ang tone-to­neladang puting buhangin sa dalawang isla saka itam­bak sa pag-aaring beach resort.

Bunsod nito, pupulungin ni Gov. Deloso ang mga hepe ng Provincial Mining Regulatory Board sa pa­mumuno ni Atty. Noel S. Ferrer, at Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO), ng pamahalaang lokal para sa paglikha ng task force na magsisiyasat sa ale­gasyon.

 “Aalamin ng task force ang katotohanan sa ale­gasyon na hinakot ang white sand ng mga isla at itinambak sa pribadong beach resort na mata­tagpuan sa pagitan ng mga bayan ng Santa Cruz at Candelaria,” pahayag ni Deloso.

Inaasahan na mag­susumite ng ulat at reko­mendasyon ang task force sa susunod na buwan. Randy Datu

Show comments