Dy umatras kay Padaca sa May 2010 eleksyon
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Sa kabila ng proklamasyon ng Commission on Elections sa pagkapanalo ni ex-Isabela Governor Benjamin Dy noong 2007 elections ay inihayag naman nito ang pag-atras sa gubernatorial race laban kay Gov. Grace Padaca sa May 2010 eleksyon.
Nakapagdesisyon na ang dating gobernador na tumakbo sa mayoralty race sa Cauayan City-Isabela bilang kapalit ng kanyang kapatid na si Mayor Caesar Dy na magtatapos sa ikatlong termino.
“Regardless of whether I will be able to assume office, I have already filed my candidacy for mayor of Cauayan City,” pahayag ni Benjamin Dy.
Naunang inihayag ng Comelec 2nd Division noong Dec. 8 2009 ang pagkapanalo ni Dy laban kay Padaca batay sa 2007 elections protest na inihain sa nasabing ahensiya.
Subalit hinihintay pa ng kampo ni Dy ang writ of execution mula sa Comelec bago ito manungkulan bilang gobernador.
“We had already filed the necessary papers which the Comelec division had ordered us to submit, and we are just waiting for their response on this matter,” dagdag pa ni Dy.
Samantala, umatras man si Benjamin Dy laban kay Padaca sa 2010 eleksyon ay mainit naman ngayon ang sagupaan sa pagitan nina outgoing Isabela 3rd District Rep. Faustino “Bogie” Dy III na naghain ng kandidatura sa gubernatorial race laban kay Padaca.
“We seek to redeem the province from the sorry state it has fallen into under the Padaca administration,” pahayag naman ng solon.
Si Padaca ay unang natalo ni Bogie Dy noong 2001 eleksyon sa congressional race, subalit nakuha naman ni Padaca ang kapitolyo ng Isabela mula sa mga Dy nang matalo niya si ex-Gov. Faustino Dy Jr. noong 2004 bago naman naka sagupa si Benjamin Dy noong 2007.
- Latest
- Trending