2 parak patay sa bus holdup

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang dalawang pulis sa madu­gong panghoholdap ng anim na mga armadong holdaper sa isang pampasaherong bus nitong Sabado ng ma­da­­ling araw sa Sta. Rita, Samar.

Sa phone interview, kini­lala ni Sr. Supt. Pancho Jo­villa ang mga nasawing bik­tima na sina PO3 Nelson Atay­lar, nakata­ laga sa Lapi­nig Municipal Police Station sa Eastern Samar at PO1 Michael Dante, isang police trainee ng Taft, Eastern Sa­mar.

Sinabi ni Jovilla na nang­yari ang insidente sa kaha­baan ng national highway sa bayan ng Sta. Rita bandang alas-3:30 ng madaling-araw.

Ayon sa opisyal, ang bus ay galing sa Tacloban City, Leyte at patungong Oas, Eastern Samar.

Ang anim na suspek na pa­wang armado ng cal. 45 pistol, 38 Ingram, revolver at gra­nada ay nagpanggap na mga pasa­hero na sumakay kasama ng mga biktima sa Tacloban City.

Gayunman, mahigit 30 mi­ nuto habang naglalakbay ang nasabing bus ay nag­dek­lara ng holdap ang mga suspek pagsapit sa lugar.

Akmang bubunot ng baril si Ataylar upang lumaban subalit natunugan ito ng mga suspek na agad itong pina­putukan sa ulo na naging da­hilan ng kani­yang dagliang kamatayan.

Sa pagkabigla ay tuma­lon naman si Dante na sa ka­ma­ lasan ay nabagok sa espalta­dong highway ang ulo at bina­wian ng buhay pasado alas-8:00 ng umaga habang nilala­patan ng lunas sa Bethany Hos­pital sa Tacloban City.

Ang nasabing police trainee ay natagpuan ng mga nagres­pondeng pulis na nakabulagta sa gitna ng kalsada na nagtamo ng ma­laking sugat sa ulo sa pag­kakabagok nito.

Sa ibinigay na testi­mon­ya ng isa pang police trainee na si Marlo Abrogar, Waray uma­ no ang punto ng mga suspek bagaman Tagalog ang salita ng mga ito nang magdeklara ng holdap at nilimas ang kaga­mitan, ala­has at pera ng mga pasa­hero. (Joy Cantos)

Show comments