MANILA, Phillippines - Nagwakas ang modus operandi ng limang miyembro ng kidnap-for-ransom gang na pinamumunuan ng isang sarhento ng Phil. Army makaraang mapaslang ng mga operatiba ng pulisya kung saan nailigtas ang dinukot na negosyante sa isinagawang operasyon sa Urdaneta City, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ni Director Leopoldo Bataoil, chief ng Northern Luzon Directorate for Police Operations, ang napatay na lider ng Mostrales-Obillo Waray Waray KFR group na si Army T/Seargent Dionisio “John” Obillo Jr. ng 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay.
Ang iba pang napatay ay nakilalang sina Rosendo Matias, ex-Philippine Marines; anak nitong si Roger Matias, Marcial Fontanilla at isang patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan.
Ayon sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng Police Anti Crime Emergency Response (PACER), 107th Provincial Mobile Group ng Pangasinan at Villasis Police, Intelligence Section at Special Operations Group ng Pangasinan Police Office, ang safehouse ng mga kidnaper sa Purok 4, Palina West, Urdaneta City, Pangasinan.
Sa kasagsagan ng putukan ay napatay ang lima na sinasabing sangkot sa robbery /holdup at kidnapping for ransom sa Metro Manila at mga karatig lugar sa Luzon.
Samantala, nailigtas ang kidnap victim na si Julian Rodriguez ng Ayala- Alabang, Muntinlupa City.
Nabatid na ang kapatid sanang babae ni Julian na si Nins ang balak dukutin pero nagboluntaryo ang biktima na siya na lamang ang tangayin noong Abril 15 sa South Sol Internet Shop sa Marcos Alvarez Avenue, Las Piñas City kung saan puwersahan itong isinakay sa kulay asul na Honda Civic bago inabandona naman sa Brgy. Unzard, Villasis, Pangasinan.
Naunang humingi ng ransom sa pamilya ang biktima ng mga kidnaper ng P20 milyon hanggang sa bumaba sa P1.2 milyon subalit hindi nagkabayaran dahil natunton ng mga awtoridad ang kuta ng mga suspek.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang dalawang cal. 45 pistol, dalawang 9mm handguns. Dagdag ulat nina Cesar Ramirez at Victor Martin