Holdap: Crew ng Jollibee tinodas

Isang graduating nursing student na service crew ng Jollibee fastfood ang ini­ulat na nasawi makaraang pagsasaksakin ng mga ‘di-pa kilalang holdaper sa Silay City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Tara Conlo, 22, nursing student sa Riverside College at working student sa Jollibee sa Bacolod City.

Sa police report na na­ka­rating sa Camp Crame, ang katawan ng biktimang may anim na saksak ng pa­talim ay natagpuan sa tani­man ng tubo sa Hacienda Ortiz, Fortuna Subdivision, dakong alas-7 ng gabi.

Sa teorya ng pulisya na si Conlo ay hinoldap dahil na­­wawala ang cellular phone, bag at cash na noon ay  bagong suweldo.

Nabatid na noong Lu­nes ay napaulat na nawa­wala ang biktima matapos na mabigong makauwi hanggang sa madiskubre ang krimen noong Martes ganap na alas -7 ng gabi.

Nagawa pang maka­pag-text ng biktima noong Lunes dakong alas-11 ng gabi na maantala ng kani­yang pag-uwi dahil gi-gimmick pa sila ng kaniyang mga kasama­han sa tra­baho.

Napag-alaman din da­kong alauna y medya ng madaling-araw ay naka­pag-text pa ang biktima sa kaniyang mga kaibigan na sakay na siya ng traysikel pauwi sa Saint Francis Subdivision sa Silay City pero nagpahabol na nasi­raan ang kaniyang sina­sak­yan matapos na mapu­tol ang kadena.

Malakas naman ang pa­niniwala ng mga magulang ng biktima na ang traysikel driver na sinakyan ng kani­lang anak ang nasa likod ng krimen.

Show comments