Palengke pinasabog

KIDAPAWAN CITY – Sumabog nang wala sa oras ang isang improvised explosive device (IED) na itinanim sa entrance gate ng public market ng Isulan, Sultan Kudarat, kahapon ng ma­daling araw.

Sa pahayag ni P/Supt. Joel Limson, hepe ng Tacu­rong City PNP, lumilitaw sa inisyal na pagsusuri na gawa sa bala ng 81mm mortar na ginamitan ng cellular phone kaya nag-malfunction ang gi­nawang bomba kaya ‘di-agad su­mabog sa itinak­dang oras.

Nadiskubre rin na naka-anim na missed calls na ang nakarehistro sa mobile phone, ayon kay Limson.

Samantala, sa Tacurong City, bandang alas-7:30 ng umaga kahapon, natag­puan ng mga kawani ng Jul­son Bakeshop sa Mal­var Street ang inabando­nang bagahe na naglala­man ng isa pang IED, na ayon kay Limson, ay gawa rin sa 81mm mortar.

Agad naman rumes­ponde sa erya ang mga ele­mento ng 65th Explosives and Ordnance Disposal (EOD) team ng Philippine Army na nakabase sa Tacu­rong City at pi­na­sabog ang bomba, ban­dang alas-7:30 ng umaga, kahapon.

Nabahala naman ang mga residente ng Sultan Ku­darat sa panibagong pam­bobomba kung saan pina­lakas at mas pinaigting pa ang pagbabantay ng kapu­lisan sa mga pampub­likong lugar, tulad ng terminal ng bus, public market, at ilang government installation.

Naganap ang pagsabog sa Sultan Kudarat, isang linggo makaraan ang ma­du­gong pambobomba sa isang pampasaherong bus sa public terminal sa Digos City, Da­vao del Sur kung saan kumitil ng anim-katao at ikinasugat ng 29 iba pa. (Malu Cadelina Manar at Joy Cantos)

Show comments