Misis, buntis kinatay ni mister

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 30-anyos na misis na pinaniniwalaang 7-buwang buntis makaraang sak­sakin, gilitan at hampasin ng matigas na bagay sa ulo ng sariling mister saka ibinaon sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Tagoytoy, P Vera Summit sa bayan ng Viga, Catanduanes noong Miyerkules ng Marso 12.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Gemma Tua­zon, habang ang suspek na nakarehas na bakal ay nakilalang si Sonny Tua­zon, 28.

Nabatid na nagpapa­hinga sa loob ng kanilang tahanan ang nasabing misis nang lapitan at un­dayan ng saksak at gilitan pa sa leeg ng suspek.

Napag-alamang huma­lak­hak pa ang suspek ayon na rin sa mga kapitbahay na agad namang ipinag­bigay-alam sa pulisya ang krimen.

Nagresponde ang pu­lisya at bandang alas-8 ng umaga nang hukayin ang kinaroroonan ng bangkay ng biktima sa loob ng ka­nilang bahay, base na rin sa impormasyong nakalap mula sa mga kapitbahay ng mag-asawa.

Sa presinto ng pulisya ay nanlilisik pa ang mga matang inamin ng suspek na siya ang pumatay sa sariling misis sabay na humalakhak kaya nag­hinala ang mga awtoridad na nasisiraan ng bait ang mister.

Sa isinagawang awtop­siya ni Dra. Luz Valerio, lumilitaw na sinaksak, ginilitan at hinampas ng matigas na bagay ang ulo ng biktima.

Show comments