Brodkaster itinumba sa Davao

Hindi na pinasapit pa ng Pasko at Bagong Taon ang isang brodkaster matapos itong pagbabarilin hang­gang sa mapatay ng da­lawang ‘di-kilalang kala­lakihan sa harapan mismo ng radio station sa Davao City kahapon ng umaga.

Nasapol sa ulo ng da­lawang bala ng baril  ang biktimang si Ferdie “Bat­man” Lintuan, block­timer ng radio station na dxGO  na sangay ng Manila  Broadcasting  Corporation.

Sa inisyal na ulat na tinanggap kahapon ng Camp Crame, dakong alas-9:50 ng umaga nang rat­ratin ang biktima sa ha­rapan ng nasabing radio station.

Napag-alamang naka­ligtas naman ang dalawa pang reporter na kasama ng biktima na sakay ng kulay berdeng Volks­wagen.

Bago ang insidente ay na­katanggap na ng death threat ang biktima mula sa hindi kilalang grupo na binalaan ito na  tigilan ang mga pagbanat sa ka­niyang komentaryo sa radio.

Nabatid na si Lintuan ay isang hard hitting broadcaster at inaalam na nga­yon ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho nito ang pama­maslang.

Show comments