2 bangkay ng babae natagpuan

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Halos magka­sunod na natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawang babae sa magkahiwalay na lugar sa Laguna noong Martes ng umaga. Sa ulat ni P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr, Laguna police director, unang na­tag­­­puan ang bangkay ng 22-anyos na si Ma. Clarissa Putungan, sa bahagi ng Sitio Aabu sa Baran­gay Sta. Maria Magdalena, San Pablo City, may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay ban­dang alas-8 ng umaga. Ayon sa pulisya, nagtamo ng ma­raming saksak si Putungan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na posibleng ginahasa muna bago pinatay. Naka­rekober ang mga imbesti­gador ng mga underwear ng biktima na may mga bahid ng dugo at isang pares ng tsinelas na pinanini­walaang pag-aari ng suspek. Samantala, bandang alas-11:30 ng umaga nang ma­tagpuan naman ang bangkay ng isang ’di-kila­lang babae na tadtad ng sak­sak ng patalim sa bahagi ng NIA River sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa. Nakarekober naman ang mga imbesti­gador ng isang celfone (Nokia 3310), charger, assorted na make-up, larawan ng lalaki at love letter sa nagngangalang Rizza mula kay Jessie. Patuloy ang imbestigasyon sa dalawang babaeng pinaslang. Arnell Ozaeta/Ed Amoroso

Show comments