Sinaunang mapa ng bansa nadiskubre

MOGPOG, Marinduque — Natagpuan ng mga kawani ng National Mapping Institute ang mohon (landmark) na tumutukoy sa sentrong mapa ng Pilipinas.

Ang mohon ay nakalubog sa isang bahagi ng bundok na sakop ng  Mogpog, na ayon sa mga historian ay inilagay ito ng mga sun­dalong Ameri­kano noong 1901 upang ala­min ang sentrong kinala­lagyan ng bansa.

Opisyal na ipinaalam ng mga kawani ng National Mapping Institute kay Governor Jose Antonio Carreon, ang pagkakatuklas sa mo­hon na ayon naman sa gobernador ay magiging karagdagan ito sa aspeto ng turismo ng Ma­rin­duque.

Sinabi ng gobernador na bukod sa Moriones Festival na dinarayo tuwing Semana Santa, inaasahan niyang aangat nang husto ang tu­rismo sa kanilang probin­sya dahil sa pagkakatuklas sa center map of the Philippines.

Dahil dito, ay inatasan ng gobernador ang Provincial Tourism Office na panga­lagaan ang mga water shed na sumasakop sa bundok na kinalalagyan ng mohon upang hindi ito masira sa­kaling maging sentro ng atensyon sa mga lokal at dayuhang turista ang nasa­bing lugar.

Plano rin ng pamaha­laang panlalawigan na mag­pagawa ng daang-bayan at terrain patungo sa nasabing lugar upang hindi mahirapan ang mga turista. (Tony San­doval)

Show comments