RIZAL Tinambangan at napatay ng mga armadong kalalakihan ang isang pulis na sinibak sa tungkulin habang ang biktima ay lulan ng owner-type jeep (TEL-441) sa panulukan ng Delos Santos at Ampatuan Street sa Greenland Subd. sa Barangay Ampid, San Mateo, Rizal kahapon ng umaga. Ayon kay P/Chief Inspector Anastacio Benzon, aabot sa 20 tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni ex-PO3 Virgilio Gabriel na naging desk officer sa San Mateo PNP at nasibak dahil sa absence without official leave (AWOL). Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa brutal na pamamaslang sa biktima.
(Edwin Balasa) CAMP AGUINALDO Umaabot sa P5.8 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy matapos na masunog ang 84 kabahayan sa Sitio Mahayahay II, Barangay Pasil sa Cebu City, kamakalawa ng umaga. Bandang alas-5:24 ng umaga nang magsimulang kumalat ang apoy sa buong paligid hanggang sa rumesponde ang 13 trak ng pamatay-sunog at agad naman naapula ang apoy kahit na makipot ang mga eskinita dakong alas-7:20 ng umaga. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sunog habang ang mga nasunugang pamilya ay pansamantalang nasa plaza.
(Joy Cantos) Sabungerong tiktik itinumba |
CAMP CONRADO YAP, Zambales Pinaniniwalaang napagkamalang tiktik ng militar at pulisya ang isang 53-anyos na sabungero kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New Peoples Army sa liblib na bahagi ng Barangay Aningway-Sacatihan sa bayan ng Subic, Zambales, kamakalawa ng umaga. Ang biktimang si Roberto Roque Y Pagalang ng Purok 2 ay sinalubong ng mga rebelde at pinaputukan hanggang sa bumulagta. Posibleng may nakapagbigay ng impormasyon sa mga rebelde kaya pinaslang ang biktima. Pinaiimbestigahan pa rin ni P/Senior Supt. Arrazad Subong, provincial director, kung may kinalaman sa krimen ang pagiging sabungero ng biktima.
(Fred Lovino) Retiradong pulis dedo sa ambush |
BATANGAS Maagang kinarit ni kamatayan ang isang retiradong pulis habang sugatan naman ang kasamahan nito matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Batas, Talisay, Batangas kamakalawa ng hapon. Ang biktimang nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa mukha ay nakilalang si Carlito Encarnacion, 53, ng Barangay Balakilong, Laurel, Batangas, samantalang sugatan naman ang kasamahan nitong si Edmund Andal, 24, fishcage helper. Ayon kay P/Supt. Felix Sarsozo, sakay ng Toyota Corolla (TLX-764) ang mga biktima nang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaking sakay ng motorsiklong walang plaka.
(Arnell Ozaeta)