Magkaibigan todas sa sumemplang na motorsiklo

BALANGA CITY, Bataan — Maagang kinalawit ni kamatayan ang magkaibigang magkaangkas sa motorsiklo makaraang sumemplang ang sasakyan dahil sa pagkakabundol sa dalawang sibilyang tumatawid sa lansangang sakop ng Barangay Pto. Rivas Lote sa nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Senior Supt. Magno Biag, hepe ng pulisya sa Balanga City, ang mga biktimang sina Efren de Sales, 16, drayber at ang angkas nitong si Arnel Santos na kapwa estudyante ng Barangay Ibaba Pto. Rivas sa Balanga City. Sugatan naman ang dalawang nasagasaan ng motorsiklo na sina Reynaldo Cruz, 27, ng Villa Lina at Antonio Leaño, 24, ng Barangay Sibacan Balanga City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jayjay Taganas, naganap ang sakuna dakong alas-10:05 ng gabi sa kurbadang bahagi ng naturang barangay habang tumatawid ang dalawang sugatan.

Sinabi pa sa ulat na sinalpok ang dalawang tumatawid kaya sumemplang naman ang motorsiklo ng magkaibigan saka nabagok ang ulo sa kalsada. (Jonie Capalaran)

Show comments