Mag-utol na seaman malubha sa aksidente

CAVITE – Kritikal ang magkapatid na tripulante matapos na magsalpukan ang isang motorsiklo at 10 wheeler truck habang bumabagtas sa kahabaan ng Ventura St. Gov. High-Way sa Ternate, Cavite kahapon ng umaga.

Sa ulat ni P/Supt. Joselito Sisante, hepe rito, kinilala ang mga biktima na nagtamo ng mga bali, sugat at bagok sa ulo na sina Michael Hernandez, 27, at kapatid na si Marlon, 28, kapwa binata at residente ng Brgy. Bucal, Maragondon ng lalawigang nabanggit. Agad namang naaresto ang suspek na si Ronito De La Vida, 32, may-asawa, residente ng Sitio Ulong, Sapang 1, Ternate, nasabing lalawigan.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Rolito Pescasio, dakong alas-11 ng umaga habang papauwi ang magkapatid sa Maragondon sakay ng kabibili pa lamang na Honda XRM na walang plaka at nakarehistro sa pangalan ng isang Michael Redondo nang hindi nito naiwasan ang rumaragasang 10 wheeler truck na minamaneho naman ni De La Vida at dire-diretsong sumalpok ang nasabing motor. (Cristina Go Timbang)

Show comments