Kabilang sa napaslang ay sina PO1 Reynaldo Peñaflor; PO2 Rheynan Roa at PO1 Hilario Navida, habang kritikal naman sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital si PO1 Joeffrey Toldanes na pawang miyembro ng 5th Police Regional Mobile Group sa ilalim ng Charlie Coy.
Samantala, ang nakapatay na si PO1 Rodel Docog na pinaniniwalaang nagkaroon ng matinding problemang personal ay nagpakamatay matapos na barilin ang sarili sa loob ng nabanggit na detachment.
Sa naantalang ulat ni P/Supt. Gil Hitosis, group commander ng 5th PRMG kay P/Chief Supt. Victor Boco, police provincial director, naganap ang karahasan sa loob mismo ng kampo, dakong alas-onse y medya ng umaga.
Napag-alamang unang niratrat at napatay nang nag-amok na si PO1 Docog, ang kasamahang si PO2 Roa na nagpapahinga sa radioroom sa ikalawang palapag
Nang marinig nina PO1 Peñaflor at PO1 Navida ang sunud-sunod na alingawngaw ng putok ng baril na nagmula sa ikalawang palapag ay magkasabay silang sumilip upang usisain, subalit napatay din makaraang paputukan ni PO1 Docog. Agad naman nakapagkubli sa poste si P01 Toldanes, subalit nasugatan din matapos na tamaan ng bala ng baril mula sa nag-aamok na si PO1 Docog.
Kaagad naman na nagmaniobra ang mga kasamahang pulis ng tatlong napatay upang gumanti sa walang habas na pagpapaputok ni PO1 Docog, subalit nang makarating sila sa ikalawang palapag ay isang malakas na putok ang umalingawngaw at duguang bumulagta ang nag-amok na kasamahan na nagbaril sa sarili.
Nabatid na huling namataang naglalakad ang naghuramentadong si PO1 Docog na walang kibo at nagsasalita ng walang kausap na pinaniniwalaang labis na depresyon sa buhay ang naging mitsa para ito mag-amok. (Ulat nina Ed Casulla at Joy Cantos)