Mag-ama dinedo sa hapag-kainan

LAGUNA – Maagang kinalawit ni kamatayan ang mag-amang naninirahan sa Sitio Bukid makaraang ratratin ng mga hindi kilalang kalalakihan sa sariling bahay sa Barangay Pulong Sta. Cruz sa Sta. Rosa City, Laguna, noong Biyernes ng gabi.

Ang biyudong 39-anyos na si Elpidio Zizata ay napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad na namatay, habang ang anak na 7-taong gulang na si Edelnilla ay binawian ng buhay sa Balibago Polyclinic Hospital.

Tugis naman ng mga tauhan ni P/Supt. Pastor de Guzman, ang suspek na si Aries Zayco na tumakas matapos paslangin ang mag-ama dakong alas-6:30 ng gabi.

Napag-alamang naghahapunan na ang mag-ama sa sariling bahay nang biglang pumasok ang suspek at agad na pinaputukan ng malapitan ang mga biktima.

Sinisilip ang anggulong matinding selos ang umiral sa suspek laban sa mag-ama kaya naganap ang brutal na krimen. (Ulat nina Rene Alviar at Ed Amoroso)

Show comments