Multi-milyong shabu lab ni-raid

CAMP CRAME — Aabot sa milyong halaga ng shabu at kemikal na sangkap sa ilegal na droga ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang pagsalakay sa malaking bodega sa Barangay Cugman, Cagayan de Oro City kahapon ng umaga.

Sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA Region 10 at 11 ang warehouse na nakarehistro sa pangalang Stephen Gaisano na nirerentahan naman ng mga Tsinong sina Johnson "Greg Sia" Chua; David Sy; at Juan Tan. Nadiskubre ang kahun-kahong shabu, kemikal at mga aparatus matapos na salakayin ang bodega sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Eluteria Badoles-Algudon ng Municipal Trial Court.

Ayon kay PDEA 10 P/Chief Supt. Rene Orbe, walang nadakip na suspek, subalit pormal na ipatatawag si Gaisano upang magbigay linaw sa kaso.

Kasalukuyang bineberipika ang nationality ng tatlong suspek dahil karamihang sangkot sa operasyon ng shabu ay pawang Tsinoy. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments